"Ang Aklasan" ni Amado V. Hernandez
Pagsusuri sa Teoryang Bayograpikal
Karamihan sa mga mahahalagang naisulat ni Amado V. Hernandez na mababasa pa sa kasalukuyan ay nasa anyong tula o kuwento na mahusay niyang nailarawan at binigyang buhay ang kanyang mga pananaw at ideya.
Ang panahon ni Hernandez (1903-1970) ay sumasakop sa panahon ng pananakop sa bansa ng mga Amerikano, panahon ng Commonwealth, ikalawang digmaang pandaigdig, at ng unang tatlong dekada ng panahon ng kalayaan. Ang pananakop ng Hapon ay lalong nagpaigting sa relasyon ng mga Pilipino at mga Amerikano habang sila'y nagtulong sa digmaan. Dahil din sa digmaan, maraming mga may lupa ang napilitang iwanan ang kanilang hacienda at ito at napunta sa kamay ng mga magsasaka na nakaranas ng kalayaan at pagsasarili.
Ang mga naisatitik ni Hernandez ay sumasalamin ng pagmamahal sa mga dukhang manggagawa. Kaya naman, siya ay tinaguriang "Ama ng Manggagawa".
Si Hernandez mismo ang nagsabi na, "Ang panitikan ay mga kathang makasining, taglay ang mataas na uri, na naglalarawan ng buhay, kaugalian, mga karanasan at kalagayan ng bayan o sosyudad sa isang kapanahunan at lalong kanais-nais kung naranasan o nasaksihan ng awtor".
Isa sa kanyang mga obra ay, "Ang Aklasan". Ito ay isang tula tungkol sa mga naging karanasan ng mga manggagawa sa ilalim ng pamamahala ng mananakop. Ang mga mangagawa ay binawian ng karapatang matamasa o makuha ang mga bagay na para sa kanila. Tulad na lamang ng masasalamin sa ilang taludtod ng tula na:
"Pagkat bakit di kakain ang nagtanim?
Ang naglitson ng malutong patay gutom.
Ang nagbihis sa makisig walang damit.
Ang yumari ng salapi nanghihingi.
Ang gumawa ng dambana'y hampaslupa.
Ang bumungkal niyang yaman nangungutang".
Maihahalintulad ito sa kanyang obrang "Bayang Malaya". Ito ang ilang taludtod:
"Bisig na nagsaka'y walang palay.
Nagtayo ng templo'y siyang walang bahay.
Dumungkal ng mina ng bakal at ginto ay baon sa utang.
Lingkod sa pabrika ng damit ay hubad ang mahal sa buhay".
Ipinapakita rito na ang patuloy ang kaapihan at pagpapahirap sa mga Pilipino sa kamay ng mga makapangyarihang uri.
Kapansin-pansin sa akdang "Ang Aklasan" ang hindi makatarungang pakikitungo ng mga namamahala sa mga mangagawa at ang lalong pagpapahirap sa mga mahihirap. Kaya naman, kanilang naisigaw ang:
"Nangasara ang lahat na...
Welga! Welga!
" Bawat sipag, Bawat lakas ay umaklas.
Ulong yuko'y itinayo, na diwang dungo".
Sa taludtod na ito unti - unting nagkakaroon ng boses ang mga mangagawa upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan bilang tao. Ngunit,
"Bakit? Bakit? Laging lupig ang matuwid.
Di nasunod pati Diyos na nag-utos.
Di tinupad binaligtad pati batas.
Ah. Kawawa naman ang paggawa at ang dukha".
Sa mga taludtod na ito, mapapansing pawang kasamaan lamang ang umiiral sa pamamahala ng mga mananakop. Ginawa tayong mga sunod-sunuran sa anumang kanilang naisin.
Mahusay na nailarawan ni Amado V. Hernandez ang hindi pagkakapantay-pantay ng kalagayan sa buhay ng mga Pilipino sa kanyang mga obra.
"Habang yaong lalong subsob at patay sa paglilingkod ay siyang laging dayukdok, habang pagpapabusabos ang mga paupa ng pagod,
Habang laging namimintog sa labis na pagkabusog ang hindi nagpawis halos".
Ang malaking agwat na ito sa ating lipunan ay hindi makakatulong sa pag-unlad ng bansa. Ito lamang ang lalong magpapahirap at magpapadusa sa atin.
Ang tanging solusyon sa ating mga suliranin ay nasa kamay ng mga Pilipino na rin. Kailangang tayo ay magkaisa, ibigay ang ating buong kakayahan upang ang bawat isa ay magkaroon ng mahalagang ambag o kontribusyon sa pagtatamasa ng maunlad at malayang bansa. "Ang kailangan ng Pilipinas ay mga kinatawan ng bayan tulad ng mga estudyante, mangagawa, mangbubukid, mga tapat na intelektwal at mulat na karaniwang tao na siyang magtitindig ng bagong bansa sa sinapupunan ng pagkakaisa, kalayaan, kaunlaran, at hustisya sosyal".
Sanggunian:
https://narvasakj.blogspot.com/?m=1
http://www.kritike.org/journal/issue 9/tablanjune2011.pdf
No comments:
Post a Comment