Pages

Sunday, March 22, 2020

Binago ako ng Panahon: Larang ng Musika, Sayaw, Fashion/Pananamit at Libangan

Pagbabago: Noon at Ngayon

A. Musika


Noon 

Kapansin-pansin na malaki talaga ang mga pagbabagong nagaganap pagkaraan ng ilang taon. Isa na rito ang pagkakaiba ng musika noon kung ihahambing sa kasalukuyan. Noon, laganap ang mga awiting OPM (Original Pilipino Music) na sumikat noong dekada '70 sa Pilipinas. Hindi man ako lumaki o ipinanganak sa taong ito, pansin ko naman ang malaking pinagbago ng mga awitin noon sa ngayon dahil ito ang malimit kong naririnig na pinakikinggan ni mama sa bahay lalo na kung araw ng Linggo. Ang OPM ay pinasikat ng mga banda at artista gaya ng "Hotdog" at ng kanilang tanyag na kanta-"Manila", ng Apo Hiking Society, at ni late Rico J. Puno, ang tinuturing na "Mr. OPM".
     Minsan, natanong ko na rin sa sarili ko, "Ano nga ba talaga ang magandang pakinggan, ang musika noon o ngayon?" May pagkakataong mas 'bet' kong pakinggan ang OPM. Dahil dito'y sinasabihan ako ng aking kapatid na makaluma dahil mga 'su-anoy' na tugtugin ang aking pinakikinggan.



Ngayon

     Marahil dahil na rin sa pagbabago ng panahon ay nagbabago rin ang 'taste' ng ilang tao pagdating sa larang ng musika. Sinasabing ang kulturang popular ang kadalasang nagbibigay ng depenisyon kung ano ang maganda at kung ano ang katanggap-tanggap. Kaya naman sa panahon ngayon, kung hindi ka nakakasabay sa pag-usad ng panahon, ika nga'y mapag-iiwanan ka. 
     Dahil nasa '21st century' tayo ngayon, nabahiran na rin ng kulturang banyaga ang larang na ito. Nariyan na ang mga  nagsulputan na k-pop music, American music at iba pa. Dahil dito'y, unti-unti nating nakakalimutan ang orihinal at sariling atin dahil mas binibigyan natin ng lubos na pansin ang mga hindi naman sa atin.

B. Sayaw

 
                               

     Ang sayaw ay binubuo ng piling magkakasunod na galaw ng tao na mayroong pakay. Ang galaw na ito ay masining at may tinutukoy, at ito ay kinikilala bilang sayaw ng mga mananayaw at mga tagamasid sa loob ng isang partikular na kultura. Ang sayaw ay maraming maikategorya at mailarawan batay sa kaniyang koryograpiya, koleksyon, at pagkakasunod-sunod ng mga galaw o batay sa panahon at kasaysayan nito o lugar na pinagmulan.
     Ang ibang disiplina sa paggalaw ng tao ay paminsang sinabi na pagsayaw tulad ng kalidad, kabilang ang 'martial arts', 'gymnastics', 'figure skating', 'synchronized swimming', at marami pang iba na uri ng pampalakasan.
     Noon, ang mga sayaw ay may iba't ibang ibig ipakahulugan. Tulad na lamang ng sayaw ng pagpapasalamat sa masaganang ani at pagpapasalamat sa Bathala dahil sa mga biyayang ipinagkaloob sa araw-araw. Samantala, sa modernong sayaw naman, ay nagsisilbi na lamang ehersisyo at libangan sa ilan na nagdudulot ng kasiyahan maging sa ibang tao. Kung noon nabibihisan ng kultura o pagkakakilanlan ang isang sayaw, ngayon, hindi na ito gaanong isinasaalang-alang dahil na rin marahil sa impluwensya ng bansang kanluranin. Tulad na lamang ng 'hiphop', 'modern dance' o ang 'k-pop dance na kinahuhumalingan ng mga kabataan sa ngayon. Ngunit, anu' t anupaman, ang pagsasayaw ay hindi lamang daan upang mapaunlad ng isang indibidwal ang kaniyang abilidad o talento sa larang na ito, bagkus ito rin ay nagbibigay kita o income sa ilang mananayaw.

C. Fashion/Pananamit


     Sa paglipas ng panahon, marami-rami na rin ang mga pagbabagong nagaganap dulot nang nagbabagong panahon. Dahil tayo ay nabubuhay sa mundong laganap ang makabagong teknolohiya, hindi lang disenyo ng bahay ang nagbabago, kundi pati na rin ang pamumuhay sa araw-araw at mas lalong higit sa larang ng pananamit. Ang mga pagbabagong ito ay isa sa impluwensya ng mga nanakop sa atin.
     Totoo nga talagang sa ating Ng sarili nakasalalay kung paano tayo tratuhin o respetuhin ng ibang tao. Sa larang ng pananamit, minsan nagiging 'big deal' kung baga sa lipunan ang pagiging 'fashionista'. Tanggap ang isang tao sa lipunan kung siya at nakakasunod sa uso. Malaki na nga talaga ang naging papel ng kulturang popular sa panahon ngayon lalo pa't ito ang nagdidikta kung ano ang 'trend' sa kasalukuyang panahon.
     Isa ang social media na nagbibigay impormasyon kung ano ang mga iba't ibang porma ng mga kasuotan. Ayon sa Blog spot ng Pinoykidsblog. WordPress. com, "kung ano ang uso dapat ito nasusunod dahil sa panahon ngayon, kapag hindi ka sunod sa uso hindi ka pansin sa masa". Paano naman iyong mga walang pambili? Kawawa naman sila kung hindi sila pansin at tanggap sa lipunan. Kaya naman, upang makasunod sa uso ang ibang tao, gumagawa at gumagawa sila ng paraan magkaroon lamang ng mga bagay na inaasam. Ito rin ay tinatawag na "sado-masokismo", iyon bang wala silang pakialam kung nasasaktan na nila ang kanilang mga sarili masabi lang na sila'y sunod sa uso.

D. Libangan


     Hindi nga talaga biro ang nagagawa ng teknolohiya sa ating pang araw-araw na pamumuhay. Maging ito ay sa larang ng negosyo, medisina at maging sa larang ng libangan.
     Noong hindi pa laganap ang social media at teknolohiya, ang patok na libangan noong aking kabataan ay ang tumbang preso, luksong baka, langit- lupa, tagu-taguan, bangsak at iba pa. Maganda nga naman talagang balik-balikan ang nakaraan lalong higit iyong mga alaala na nabuo kasama ang ating mga kalaro. May pagkakataon pa nga na alas-3 nang hapon ay lumalabas ako ng aming bahay makipaglaro lamang ng bahay-bahayan sa aming kapitbahay. (hays! Pwede bang bumalik sa pagkabata?)
     Kung noon, nakakarinig ako ng mga munting halakhakan sa kalye o kaya sa kalsada, ngayon, iilan na lamang ang nakikita kong nakikipaglaro sa ibang bata. Sa ganiting sitwasyon, talagang may mga sarili na silang bagong kaibigan na pinagkakaabalahan. Ito ay ang paggamit ng mobile phones o gadgets.
     Dala man ng makabagong panahon, mas kailangan pa rin ng mga kabataan sa ngayon ang pakikipagsalamuha sa kapwa kabataan upang mahasa ang kanilang 'social skills' at upang maranasan nila ang kasiyahang naidudulot ng totoong kaibigan. Maganda ring ikintal sa kaisipan ng mga kabataan na ang gadgets o mobile phones ay hindi maganda sa kalusugan lalo na iyong mga kabataang tutok na tutok sa paggamit ng mga makabagong teknolohiya.

Mga Sanggunian:

     

Binawian ng karapatan, inapakan ang mga tauhan. Kaya sigaw ng sambayanan: "Aklasan"!

"Ang Aklasan" ni Amado V. Hernandez

Pagsusuri sa Teoryang Bayograpikal

     Karamihan sa mga mahahalagang naisulat ni Amado V. Hernandez na mababasa pa sa kasalukuyan ay nasa anyong tula o kuwento na mahusay niyang nailarawan at binigyang buhay ang kanyang mga pananaw at ideya.
     Ang panahon ni Hernandez (1903-1970) ay sumasakop sa panahon ng pananakop sa bansa ng mga Amerikano, panahon ng Commonwealth, ikalawang digmaang pandaigdig, at ng unang tatlong dekada ng panahon ng kalayaan. Ang pananakop ng Hapon ay lalong nagpaigting sa relasyon ng mga Pilipino at mga Amerikano habang sila'y nagtulong sa digmaan. Dahil din sa digmaan, maraming mga may lupa ang napilitang iwanan ang kanilang hacienda at ito at napunta sa kamay ng mga magsasaka na nakaranas ng kalayaan at pagsasarili.
     Ang mga naisatitik ni Hernandez ay sumasalamin ng pagmamahal sa mga dukhang manggagawa. Kaya naman, siya ay tinaguriang "Ama ng Manggagawa".
     Si Hernandez mismo ang nagsabi na, "Ang panitikan ay mga kathang makasining, taglay ang mataas na uri, na naglalarawan ng buhay, kaugalian, mga karanasan at kalagayan ng bayan o sosyudad sa isang kapanahunan at lalong kanais-nais kung naranasan o nasaksihan ng awtor".
     Isa sa kanyang mga obra ay, "Ang Aklasan". Ito ay isang tula tungkol sa mga naging karanasan ng mga manggagawa sa ilalim ng pamamahala ng mananakop. Ang mga mangagawa ay binawian ng karapatang matamasa o makuha ang mga bagay na para sa kanila. Tulad na lamang ng masasalamin sa ilang taludtod ng tula na:

     "Pagkat bakit di kakain ang nagtanim?
      Ang naglitson ng malutong patay gutom.
      Ang nagbihis sa makisig walang damit.
      Ang yumari ng salapi nanghihingi.
      Ang gumawa ng dambana'y hampaslupa.
      Ang bumungkal niyang yaman nangungutang".

     Maihahalintulad ito sa kanyang obrang "Bayang Malaya". Ito ang ilang taludtod:
 
     "Bisig na nagsaka'y walang palay.
      Nagtayo ng templo'y siyang walang bahay.
      Dumungkal ng mina ng bakal at ginto ay baon sa utang.
      Lingkod sa pabrika ng damit ay hubad ang mahal sa buhay".

     Ipinapakita rito na ang patuloy ang kaapihan at pagpapahirap sa mga Pilipino sa kamay ng mga makapangyarihang uri.
     Kapansin-pansin sa akdang "Ang Aklasan" ang hindi makatarungang pakikitungo ng mga namamahala sa mga mangagawa at ang lalong pagpapahirap sa mga mahihirap. Kaya naman, kanilang naisigaw ang:

     "Nangasara ang lahat na...
      Welga! Welga!

    " Bawat sipag, Bawat lakas ay umaklas.

      Ulong yuko'y itinayo, na diwang dungo".

     Sa taludtod na ito unti - unting nagkakaroon ng boses ang mga mangagawa upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan bilang tao. Ngunit,

     "Bakit? Bakit? Laging lupig ang matuwid.
      Di nasunod pati Diyos na nag-utos.
      Di tinupad binaligtad pati batas.
      Ah. Kawawa naman ang paggawa at ang dukha".

     Sa mga taludtod na ito, mapapansing pawang kasamaan lamang ang umiiral sa pamamahala ng mga mananakop. Ginawa tayong mga sunod-sunuran sa anumang kanilang naisin.
     Mahusay na nailarawan ni Amado V. Hernandez ang hindi pagkakapantay-pantay ng kalagayan sa buhay ng mga Pilipino sa kanyang mga obra.

     "Habang yaong lalong subsob at patay sa paglilingkod ay siyang laging dayukdok, habang pagpapabusabos ang mga paupa ng pagod,
      Habang laging namimintog sa labis na pagkabusog ang hindi nagpawis halos".

     Ang malaking agwat na ito sa ating lipunan ay hindi makakatulong sa pag-unlad ng bansa. Ito lamang ang lalong magpapahirap at magpapadusa sa atin.
     Ang tanging solusyon sa ating mga suliranin ay nasa kamay ng mga Pilipino na rin. Kailangang tayo ay magkaisa, ibigay ang ating buong kakayahan upang ang bawat isa ay magkaroon ng mahalagang ambag o kontribusyon sa pagtatamasa ng maunlad at malayang bansa. "Ang kailangan ng Pilipinas ay mga kinatawan ng bayan tulad ng mga estudyante, mangagawa, mangbubukid, mga tapat na intelektwal at mulat na karaniwang tao na siyang magtitindig ng bagong bansa sa sinapupunan ng pagkakaisa, kalayaan, kaunlaran, at hustisya sosyal".



Sanggunian:
https://narvasakj.blogspot.com/?m=1


  http://www.kritike.org/journal/issue 9/tablanjune2011.pdf